Timbulanngpagibig Wiki
Advertisement


Noong dekada limampu, isang pamilyar na magasin ang Liwayway. Kilalang pangalan dito ay si Aling Charing na siyang taga-payo ng sa mga asawa, ina, at mga mambabasa ng nasabing magasin. Ang pangalan naman na Rosario Ladia Jose ay kilala bilang manunulat ng mga nobelyang de-serye at mga maikling kuwento. Ang hindi alam ng halos lahat ay iisa lamang ang dalawa; iisa lamang si Aling Charing at Rosario Ladia Jose.

Siya’y ipinanganak sa Moriones, Tondo, noong 30 Mayo 1928 kina Elisa Ladia at Numeriano Jose. Siya’y isa sa limang magkakapatid. Sa Lakandula Elementary School siya nagtapos ng mababang paaralan. Siya’y nakapagaral sa Torres High School ngunit hindi nakapagtapos sa dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1941. Sa kabila ng kahirapan at kawalan ng oportunidad na makapagaral, siya’y nagtiyagang magtinda ng kakanin sa harap ng kanilang bahay upang makatulong na ipaunlad ang pamilya.

Nahiligan ni Rosario ang pagsusulat ng maikling kuwento simula palang ng kaniyang kabataan. Matapos ang digmaan, sa Magasin ng Bagong Buhay, ay nagsimula siyang maglathala ng kaniyang maikling kuwento. Sa tulong nina Liwayway Arceo, nakapagtrabaho siya sa Liwayway at kinuha siya bilang literary secretary ni A. C. Fabian, ang pangkalahatang tagapamahala. Nagsalin si Rosario ng mga akda mula sa Ingles, kumuha ng diktasyon ng kaniyang boss, at nagtala ng mga idea na ginawang materyal para sa mga nobela ni Fabian.1 Ang pagsama sa mga miting ng kagawad at manunulat ay nagmistulang naging gabay sa kaniyang malikhaing pagsulat.

Si Rosario ay nakapasok sa mas mataas pang posisyon mula sa pagiging literary secretary. Noong 1952, siya’y naging patnugot ng pitak-pangkababaihan sa Liwayway. Dito niya isinasalaysay at hinahango ang mga sariling karanasan at mga ideyang kaniyang napupulot sa mga nababasang inilathala ng iba. Ang mga paksa sa “Pantahanan”, “Pitak ng mga Tumpak na Asal”, “May Suliranin ba kayo”, at “Tahanan at Sining” ay may hawig sa isa’t isa; ito’y patungkol sa mga kababaihan at ang kanilang pangaraw-araw na gawain.

Kasunod ng pagtanggap ng bagong posisyon ay ang paglikha ng ngalan na Aling Charing na ikinabit sa pamagat ng pitak na lumabas sa Liwayway.1

Noong Pebrero 1958, siya’y ikinasal kay A. C. Fabian, na isang biyudo, at sila’y nagkaroon ng dalawang anak na sina Emma at Noel.

Ilan sa kaniyang mga nilikhang nobela ay ang Bulaklak sa Parang (1955), Cristina (1953-1954), Matanda sa Una (1959), at Sa Silong ng Kalangitan (1959). Bukod sa mga nobela, mayroon rin siyang koleksyon ng mga maikling kuwento. Sa kaniyang Timbulang ng Pagibig at iba pang kuwento, makikita na ang mga temang ipinapaloob ni Rosario Jose ay tungkol sa pagbibinata, pagdadalaga, pagibig, at pagmamahal ng mag-asawa, mga magulang at anak, at ng mga magkakapatid. Ang pagbilang ng kaniyang mga kuwento sa Magasin ng Bagong Buhay, Liwayway, at sa Bulaklak ang nagbigay daan sa kaniya upang maisakatuparan ang kaniyang pangarap sa buhay.

Sa pagbabalik-tanaw sa dekada-limampu, tunay na tumatak, patuloy na tumatatak, at muling tatatak sa mga mambabasa ang mga aral na hindi mapupulot sa ibang karaniwang mga akda na nais ipahiwatig ni Rosario Jose.

1] Jose, Rosario L., Timbulan ng Pagibig. 2000, Ateneo de Manila University Press, pp. 1-30, 150-160.

Advertisement